Wednesday, June 17, 2009

Sa mga gabing 'di kita nakakausap

Tumakbo ako sa dilim

upang ikubli ang liwanag

na tumatakas sa aking mga mata

at dumadausdos sa pisngi

kong disyerto at sinisipsip

ng labi kong bitak-bitak.

 

Umaalingawngaw ang aking hininga

sa bawat kanto ng aking silid

hanggang sa ang ugong ng bentilador

ay maglaho na sa aking pandinig.

 

Pumupulupot ang aking mga bisig sa unan

kong halos madurog,

sumasalampak ako sa papag,

binabyahe ko ang Taysan

na 'di umaalis sa kinaruruonan.

 

Mga labi ko'y nililindol

at sa dulo ng aking dila

ay ang iyong pangalan

na aking hinihimig bawat saglit.

 

 

 

 

 

 

 

 

Buntong hiningang walang hanggan

Pagtakas ang pagtulog sa pait

sa kaisipang baka wala ka na

pagkatapos ng mahabang gabi.

 

Bulak ang kutson

bulaklakin aking kubrekama't unan,

dito nakadapa akong pumikit

sa pagtangkang lumimot sa mga maaari.

 

kung sakaling sa puso mo'y

ako'y magsilbing isa na lamang kasaysayan,

hagulgol ang magiging iyak ng bentilador

sa muling paglapat o paglalim mg dilim.

 

...iilang dilim marahil

na ang bituin ay talim,

...iilang araw marahil

na ang araw ay itim.

 

mamapa ang ngalumata

luluwa aking mata

ngunit iilang araw, linggo o buwan lamang

at oyayi magiging himig ng bentilador

sa muling paghalik ng dilim.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Isang sulyap sa isang maaari

Gitara'y kinakalabit sa dilim,

ako'y umaawit,

tuyo ang labi,

pisngi ay malagkit

pagkatapos isipin

mga maaaring kadalihanan...

nasaan na kaya aking inaawitan?

Mahaba pang paghihintay ang bukas

Hanep! Bumuka na palang Rosal

sa 'ming bakuran ngayong umaga.

 

Napatda ako sa paghigop ng tsaa,

kasintahan na pala kita...

tila kailan lang ang kahapon.

 

may itim na paru-parong dumapo sa Rosal

tila nakikipagtalik, nanatili ng ilang minuto

at dagliang umalis.

 

bigla ang aking muling paghigop sa tsaa,

napaso ang aking dila,

napatingala ako sa mga asul na ulap

 

 

Kung kelan lamang kita naaalala

Tila nangangaligkig sa kama

nakasandal ako sa dingding

bagong gising mula sa lalim

ng pagkalimot at pagbabalik

sa hapdi ng nilumot na sikmurang

walang laman sa nilunod sa serbesa

sa madaling araw

na pagkawalang bahala.

 

Tinungo ang kubeta

tinitigan ako ng arinola

na sinukahan ko ng bituka,

sa haba ng malimig na batang umaga.

 

Dumadagundong ang kaba

biyak ang dibdib

ne beinte singko anyos na binata

na bumubulong ng Krishna Krishna...

Deliryo

Sa salang madilim

Nakaupo na naman ako sa sementadong sahig

Katabi ng lamesang kinalalagyan ng telepono

Hubo’t hubad akong naghihntay ng tawag

Sa isang dalagang nagka-amnesia.

 

Nakabukas eladong bintana

Nananakal ang hangin

Nahihila aking mga balahibo

Epileptic aking mga kamay na may bahid ng nikotina ang mga kuko.

 

Umaalulong ang mga aso sa labas

Nanunugat aking mga pandama

Milyong tono ng tinig aking naririnig

Nabibitak akong lalamunan

bigla akong napahandusay

bumalandra sa upuan

bago kumalampag mga basyo

na lalong kumalat sa nagimbal na sahig

 

 

 

 

 

 

Pagkatapos ng biyahe

Parang may kumakatok sa pinto

Papalakas papalakas ng papalakas

Ang dabog ng sumusuntok nang kamao sa kahoy

Ay sumasanib sa rumaragasangtubig sa gripo

 

Ang gilid ng aking bibig ay may bahid ng toothpaste

Isinara ko ang gripo

Huminto ang katok

Manhid ang tenga

Dahan dahan akong kumuha ng kutsilyo

Na itinago ko sa aking likod

At marahan akong lumapit sa pintuan

Aking paa ay lumulubog sa sahig

 

May agwat akong sumilip sa bintanang bahagyang bukas

Umupo sa harap ng nakasarang pinto

Habol habol ang hininga pawisan nag-antanda

Humagulhol ng iyak nanginginig

 

Ang sinag ng araw galling sa bintana

Mainit ako’y nagising

Aninag ng kutsilyo sa sahig

Aroma ng kape umaaalong hangin sa dibdib

Humahagod kamay ng minamahal

Sa pisngi kong malagkit