Thursday, April 16, 2009

Hang Over

Naalimpungatan akong may basag na kasu-kasuan,

Tuhod na yantok,

Braso ko’y nagigibang talampas,

Mata ko’y mga holeng barak,

Naipit na ‘ata si Bernardo Carpio sa aking dibdib,

Sa bintana, ang mga dahon ang kaluskos si Celerio,

Ihip ng hangin, tila pagmumura ng lamok,

28 na taon pa lamang akong bumalik sa mundo na matanda,

Sa dila ko nalalasahan ang impyerno ng kinaing linuwal,

Mga basyo sa mapanghing papag may halakhak ang amoy,

Ang simoy, mga katulad ko lamang ang magnanais lumanghap,

Ako, may puso kayang madudurog pag sa mata sila’y nanilay?

Manananghalian na, umaga pasensya,

Napanis na ang pabango sa baluktot kong kumot,

Basa ng laway na mapa ng pighati sa aking unan,

Sabaw na tulad ng pagligo sa dagat ang hanap ng sikmura ko,

Paglingap naman ang kanta ng puso ko.