Wednesday, June 17, 2009

Masdan mo ang kapaligiran

Pinanuod ko ang aking isip

Sa harapan ng isang maulan na bakuran,

 

Maya maya ang ilanlang ng tuwa ng aking tiyan,

Isang hanging lumalabas sa aking lalamunan,

Pagkatapos gahasain ng aking dila

Ang masarap na ulam at panghimagas

Na ginawa ng aking asawa.

 

Dinilaan ko ang mantika at alat na nakabakas sa gilid ng aking labi,

Pati ang aking ngalangala lagi kong binibisita

Habang pinapanuod ang pagyuko ng mga dahon sa halik ng ulan,

Nanunuod sila ng telebisyon sa likod,

Sila na ang pahimagas ay noon time show.

 

Maulan na hapon,

Balani ang siesta,

Katabi lumapit na asawa,

Hininga ko ang hanging lumapit,

Pero kailangan ko pang hugasan ang plato,

Sabat ng aking isip.

 

Mabigat ang aking paghinga aking napansin,

Kaya ‘di na muna ako nagtimpla ng kape,

Amoy kabaong ang dala ng alaala ng inuming pait

Na sa totoo laging kinasasabikan ng lalamunan at imahinasyon

Na mapaglarong isip.

 

Kung mamamatay ako ngayong oras ding iyon,

Kung makalimutan kong ‘di ako ang katawan at ang isip,

Marahil romantisismo ng maisip ko ang kanta

Ng asin na, masdan mo ang kapaligiran.

 

Sa aking muling pagharap sa probinsiyang siyudad

Nalupig puso ko ng usok sa sasakyan

Sa tuwing pupunta ako sa kanto at magmamasid,

Ang kariktan ng Tabaco tulad ng San Juan,

Abuhing ulap na nanlalabo,

Mga paang ‘di mahabol ng mata pag alas-singko,

Mga babaeng ang pusod at hita nangaanyaya ng dama,

Ang init ng katawan dulot ng alinsangan,

At ingay na nakaririndi na nakasanayan,

Nakaligtaan ko na rin yatang magtanong sa sarili

Kung kaligayahan akin pang natutuntungan.

 

Pangarap ko nuon manirahan sa probinsiya,

Para sa ikakagaling ng diabetis ni papa,

Para mabawasan ang pangungunsumi ni mama sa tindahan,

Magkaruon ng mga kaibigan na sa akala ko kalinisan ang alam,

Nasa puso lang pala ng tao ang kasagutan,

Ang desisyon kung tatagay o gagawa ng usok,

Napakabilis ng panahon, inaamin ko

Bagama’t inamin ko na ito ng isang libong beses

Sa nakaraang walong taon.

 

Ngayon, sanay na ako rito,

Wala na sa mapa ng puso ang mga dating lugar,

Mga pangalan ng mga taong nakabungguang balikat

Pati kadikitang sikmura

Kahit sila’y naririyan pa rin.

Kondisyon na ako sa paninirahan sa Tabaco,

Oo nga’t siyudad

Pero mas mabagal pa rin ang oras dito,

Dito na kaya ako papawian ng buhay?

Dito na ako nakapagasawa,

Dito na kaya matatapos ang aking alamat,

O ako’y bibiyahe pa sa isang mas matahimik na gubat?

Hindi ko alam

Pero sa paglabas ko muli ng bahay,

Sa aking malayang oras,

Sa aking pagtapak sa balikat ng probinsyang siyudad,

Hihinga ako at muling tatanggapin ang tadhanang ginawa

At sana’y ang puso’y matuto at maging kuntentong ganap,

Ang tunay na gubat na ‘di ilahas

Ay nasa puso lamang na ang umibig ay sapat.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Ego na lalaki, pag natanto nakasusuka

Kamay ng aking puso sumakal sa aking leeg,

Sa pagpigil ko ng mga salitang nais lumaya.

 

Sa lamesa na kung saan tahimik din ang tasa ng kape,

At tayo nagkakahiyaan dahil pinagpawisan ang hangin kagabi.

At ang misteryo ng mapa ng ating katawan, batid na.

 

Unang tikim, tumatak sa aking mga litid,

Tiyak aking hahanapin,

Ang hilatsa ng sarap at ang klasikal ng hinghing,

Mawawala banta ng panginginig sa gabi,

Ibang klaseng init pag ika’y wala… ang aking kumot

 

Pero tawad kailangan kong hingin,

Pero umalis ka maging ang init ng kape,

Na ‘di ko man lang nasambit patawad,

Hintayin na lang natin muling lamig

Baka duon umiyak ako habang nagsasanib

Ang init at lamig.

 

Tawad kailangan kong hingin

Para makaulit para muling matikman ang panandaliang langit.

 

Natanto ko ang mga kaisipang ito isang gabi,

At oo inaamin ko, nais kong maglasing hanggang lumawa aking bituka.

 

Antisipasyon sa pangungulila

Nilapitan natin ang alon

Na tila mga batang nagugutom,

Sa salamin ng kalawakang asul tayo’y tumingin,

At ngumiti sa paglangoy ng malilit na mga isda,

Umulan pero ayaw nating umalis

Dahil ang pag-alis ay maaaring susi

Ng ‘di na pagkikita,

O anong timbre ng takot ng tinig ng isip,

Magkikita pa tayo alam ko,

Pero ako’y inanod ng panandaliang pangungulila.

 

Pano kung hanging lubid na sa aking leeg,

Unti-unting humigpit…

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Hindi ko alam kung anong oras ako umuwi ng gabing iyon

Isla ang mga ulap,

Dagat ang pagitan,

At sa gitna isang perlas,

Na nakapaloob sa isang singsing

Na may matitingkad na mga kulay.

 

Dagsa ng kaba sa mabalasik na hapon

Pinugot ng ulap

Ulo ng Mayon,

Duguan ang langit –

Sa ilalim nito, ako

At ang tasa ng kape

Na hawak ng

Pasmado kong kamay.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Isang umaga isang umaga

Dinamitan na ng araw ang daigdig,

Sa higaan wala pa akong damit sa pintong buyangyang,

Sa kusina na tanaw sa aking kamang kinahihigaan,

Sa mesa –

Ang walang takip na lalagyan ng asukal at kape,

Creamer tagasagip ka na ba ng katawan na baka lamigin?

 

Sa bintana masigla na ang sinag,

Sumalubong aking ngiti,

Lumabas ng pinto ang paa kong hubad,

At walang kiming hinalikan ang lupa.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Pa Naga -- PTALB ‘08

Ginasgasan ng bisitang ambon

Salamin ng Philcab,

Na sumugat sa mahabang biyahe --

Sa labas mga dahon,

Mga palad ng mga nagpapaalalang kaibigan.

 

Kung tayo’y naging astronaut

anong silbi ng kape kung umuwi ka na?

ang matandang lamesang Nara tangi kong kasama,
ang aking mga labi dinidila-dilaan ko
ninanamnam lasa ng kagabi,

malabong bughaw ang umaga,
mga ulap mahiyain sa mata.
katawan ko'y takot sa tubig
'di ko rin alam saan pupunta.

kailangan mong umalis
dahil kailangan mo ng puwang
hagggang kailan tanong ko,
ang sagot 'di mo alam.

umupo ako sa hagdanan
nagtangkang magpausok
ngunit naisip ko ang paalala mo
na ang baga ko'y marupok nang bato.

hihintayin ko na lang, darating din ito
telepono ko'y tutunog at ako ay sasagot
siguro'y nagbalik na ang linaw sa mata
kaya't ako'y maghihilamos, haharapin ang umaga.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Buwanang Bulawan

uminom tayo ng red wine sa ating monsary,

may yelo ang ating baso, mainit ang ating mata,
nagtatawanan tayo na parang nasa isang isla,
singkit ang ating mata, ngiti nati'y mahaba.

alam kong alam mo, ayaw kong tumoma
alam mong alam ko, ayaw kong uminom ka,
minsan lang ito aking mahal, lilipas din ito
kaya't binasyo natin ang Frenzia, sa dakilang pananabik.

nakasakay tayo sa isang tsubibo,
palad nati'y nagdikit, labi nati'y pagkit,
luntian ang ating ilaw, katawa'y may kakaibang dilaw,
maikli at mahaba ang ating hininga, dumating ang umaga
ngumiti tayo at tayo'y buhay pa.

 

 

 

 

 

 

 

Pintuho sa kasagsagan ng madaling araw

Kung nariyan ako,

Hinihimas himas ko ang iyong noo

At hinahaplos iyong buhok

Habang pinagmamasdan kang natutulog.

 

Kung nariyan ako,

Masuyo kong tinitignan ang kaamuan ng iyong mukha,

Ang aking ulo sa iyong mapagkalingang unan,

Ang iyong hininga na pugong pumapawi

Sa lamig mula sa bintana.

 

Kung nariyan ako,

Aawitan kita ng mahinhin,

Baka ito’y magsilbing hagdan

Sa iyong pagpanhik sa ‘sang panaginip ng mga rosas.

 

Kung nariyan ako,

Balani ang iyong pisnging lansones

Sa ‘king nangungusap na labi.

 

Kung nariyan ako,

Nasa ilalim tayo ng mga bundok,

Naghihintay ng pagdatal ng liwayway.

 

Kung nariyan ako,

Kumikislap aking mga luha sa dilim

Sa luwalhati ng iyong pagkasi,

Sa kaisipang may umibig sa akin.

 

Kung nariyan ako,

Titis aking mga busilig

Sa nakalakop na dilim.

 

Kung nariyan ako,

Paruparong dumadapo aking mga daliri

Sa iyong labing kampupot.

 

Kung nariyan ako,

Nanamnamin ko bawat saglit

Ng aking buhay kasama ka,

At kung ako’y ‘di na magising sa paghimbing,

Kakikitaan mo ako na may buwan sa labi.

 

Kung nariyan ako,

Hahalikan kita sa labi

At hahalikan at hahalikan

Hanggang sa muli mong pananaginip.

 

 

Kung nariyan ako,

‘di ko alintana ang badya ng anumang delubyo

O anumang babala ng kalusugan.

 

Kung nariyan ako,

Ako ang kapayapaan ng iyong silid,

Ang oyayi ng gabi na handog ng langit

Sa mga pusong nagmumutya at minumutya.

 

Kung nariyan ako,

Ang iyong buhok ay talahib

Na kumupkop sa akin

Sa mga ilahas na oras ng madaling araw.

 

Kung nariyan ako,

Talagang nariyan ako,

‘di isang haraya lamang ang pagnamnam

Sa laging pinipintuhong sonata na iyong paghinga.

 

Kung nariyan ako,

Tighaw ang aking malalim na uhaw,

Batis kang dumaloy kumalinga

Sa ‘king mga pagal na ugat.

 

Kung nariyan ako Lyn,

Dilat man ako,

Ako’y mahimbing.

 

Narito man ako ngayon,

Kasama kita…

Magkahiwalay ngunit magkasiping

Sa rikit ng pagasam

Na lahat nating dalangin magiging makatotohanan.

 

Punk daw si Bathala

Nag-aalmusal ako,

Chocolate bar, saging, isang

Basong Milo, humihimig Mahamantra

Sa ‘king boombox

Nasa isip ko si Marcus Garvey,

Si Charles Darwin. . .

Kung dapat na masalamin ng mga

Egoy na itim ang diyos na wari

Ni Garvey, dapat makita rin

Ni Darwin and diyos niya bilang bakulaw,

Ako, ang sa aking panginoon

Nama’y stick-up, may studs, naka-DMs, nakapalibot

Sa kanya ang mga may pakpak at halong

Sina Sid Vicious, Joey Ramone, Joe Strummer

At ang mga barkada kong Mohawk

Sa Tandem, Recto na sinikwat sa akin

Ng karahasan, ang iba naman

Ng omads, shoot at smack.

Itinabi ko ang tasa, baso,

Sa gilid ng mesa,

Di halos nagalaw,

Nagtungo akong dutsa,

Katawa’y umusok

Sa dausdos ng tubig.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Pintuan ng musa ang gabi

Bolang apoy ng langit,

Nanunundot ng matang puyat,

Mapa ang ngalumata

Ng pakikipagtunggali sa nakaraang magdamag,

Haraya’y kaluluwang lagalag

Kaninang alanganing oras,

Himbing ang mundo

Ngunit ‘di ang diwang nag-uumalpas,

Nag-aapuhap ng bulawang hulagway,

Kausap ang papel, ang pluma

Isang mahika ang talinghaga,

pampahupa ng lindol sa dibdib,

Ito’y droga, ito’y bagwis

Paraiso sa lantay na pusong

Nilubidan ng kariktan.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Oda sa aking ika-26 na kaarawan

Masayahin ang Mayo

Pagkat kaarawan ko’y lumalapit

Na at ‘di na kita naaamoy serbesa

Ngayon ang amoy tsikong maghapo’y wala

Na, ‘di na tambutsong aking bibig,

Ilong ay ‘di na bumubugang dragon,

Ala-ala na lamang ng ‘di magkamayaw na hiyawan at biruan

Ang hatid ng mga nakakalat ng upuan,

Nais ko’y mag-isa na lang

Sa araw kung saan ako isinilang,

Umupo sa isang sulok,

Titigan ang orasan,

Tik tak tik tak. . .

‘di amoy ng lechong baboy, manok, baka,

O amoy ng toyo’t bawang sibuyas dugo

Aking nalalanghap kaibigan

Kundi kamatayan. . .

Kamatayan sa bawat paggapang ng orasan.

 

Masayahing Mayo

Ako’y iyong basbasan

Sa araw ng aking kaarawan,

Ipaalala mo ang nektar

Ng dahan-dahang paglisan ng kabataan,

Ikintal mo sa aking isip;

Hindi ako si Superman o si Batman,

O, oras, sana’y magamit kita ng tama

Bago pagpiyestahan ng uod,

Aking unti-unting nalulusaw

Na katawan.

 

 

 

Sa mga gabing 'di kita nakakausap

Tumakbo ako sa dilim

upang ikubli ang liwanag

na tumatakas sa aking mga mata

at dumadausdos sa pisngi

kong disyerto at sinisipsip

ng labi kong bitak-bitak.

 

Umaalingawngaw ang aking hininga

sa bawat kanto ng aking silid

hanggang sa ang ugong ng bentilador

ay maglaho na sa aking pandinig.

 

Pumupulupot ang aking mga bisig sa unan

kong halos madurog,

sumasalampak ako sa papag,

binabyahe ko ang Taysan

na 'di umaalis sa kinaruruonan.

 

Mga labi ko'y nililindol

at sa dulo ng aking dila

ay ang iyong pangalan

na aking hinihimig bawat saglit.