Wednesday, June 17, 2009

Masdan mo ang kapaligiran

Pinanuod ko ang aking isip

Sa harapan ng isang maulan na bakuran,

 

Maya maya ang ilanlang ng tuwa ng aking tiyan,

Isang hanging lumalabas sa aking lalamunan,

Pagkatapos gahasain ng aking dila

Ang masarap na ulam at panghimagas

Na ginawa ng aking asawa.

 

Dinilaan ko ang mantika at alat na nakabakas sa gilid ng aking labi,

Pati ang aking ngalangala lagi kong binibisita

Habang pinapanuod ang pagyuko ng mga dahon sa halik ng ulan,

Nanunuod sila ng telebisyon sa likod,

Sila na ang pahimagas ay noon time show.

 

Maulan na hapon,

Balani ang siesta,

Katabi lumapit na asawa,

Hininga ko ang hanging lumapit,

Pero kailangan ko pang hugasan ang plato,

Sabat ng aking isip.

 

Mabigat ang aking paghinga aking napansin,

Kaya ‘di na muna ako nagtimpla ng kape,

Amoy kabaong ang dala ng alaala ng inuming pait

Na sa totoo laging kinasasabikan ng lalamunan at imahinasyon

Na mapaglarong isip.

 

Kung mamamatay ako ngayong oras ding iyon,

Kung makalimutan kong ‘di ako ang katawan at ang isip,

Marahil romantisismo ng maisip ko ang kanta

Ng asin na, masdan mo ang kapaligiran.

 

No comments:

Post a Comment