Tuesday, November 24, 2009

Kung aalis ka…

Kung aalis ka,

Sigurado kukunin mo ang lahat

Kahit sabihin mong iiwan mo ang larawan mo,

Ang paborito nating baso,

Ang pinagsasaluhang unan,

 

Kung aalis ka,

Ako lang ang maiiwan,

Kahit naririto lang ang kwarto,

Ang tsinelas na parehas nating ginagamit

Sa paglilimayon sa duon at diyan

Sa pag-iipon ng mga alalala,

 

Ang mga ala-ala,

Marahil pag-aari ko sila

Ngunit sa iyo rin sila,

 

Kung sabihin nating ako nga lang mag-isa,

Gaano katotoo na masasabi mo

Na ikaw na lang mag-isa

Sa paglabas mo ng ating silid?

Bakasyon

Hindi ko kilala ang bughaw

Na ulan sa likod ng kalimbahing tinang mga ulap,

Ang usok ng kape

Ang kulay ng mundo,

 

Unan sa aking hita,

Aso sa aking paa na dumidila,

Ang tamis na naiwan sa dila,

 

Mamaya,

sa kalsada

magpupunuan kami ng pagkukulang.

 

Lingo,

Kailangang bigyan ng oras ang sarili

Upang di maisip ang lubid,

Ang kapangyarihan ng kutsilyo

Na patigilin ang oras,

Ang lakas ng bato

Na pwedeng magpatigil sa lahat.

 

Ngayong bakasyon

Sa pagkahaba habang anim na araw

Susulitin ko,

Magiging makasarili

Para abutan pa ng lahat

Upang makapagpasaya kahit isa lang

Sa paraang alam ko.