Ahas ang gabi na bumubura sa mga kalatas ng mga bituin
Mahaba ang Cormidal na ang hantungan ‘di alam,
Lagpasan lamang mga anino sa aking parang nakadamo,
Asong galisin, may deka-deka na ang kamay nakasuksok sa bulsa,
Pinili kong ‘di tumawid sa kabila,
Pakialam ko sa mga wala ring paki,
Mabilis ang oras sa mabagal kong paglalakad,
Walang kapaguran ang relo
Wala akong kamatayan,
Usok ng sigarilyo ang aking hininga,
Naghahanap ng tumana,
Ng babaing malungkot na naghahanap ng damo,
Marami akong alam na damuhan,
Alas onse, nasa labas ang mga malilibog,
Ang mga parapadyak na ang alak ay kantot,
Mga buwayang bugaw,
Ang dagat sa malayo walang naniniwalang iyon ang kausap
Kong naghihintay sa aking biglang nakaisip,
Walang naniniwala
Paki ko sa mga walang paki.