Nalupig puso ko ng usok sa sasakyan
Sa tuwing pupunta ako sa kanto at magmamasid,
Ang kariktan ng Tabaco tulad ng San Juan,
Abuhing ulap na nanlalabo,
Mga paang ‘di mahabol ng mata pag alas-singko,
Mga babaeng ang pusod at hita nangaanyaya ng dama,
Ang init ng katawan dulot ng alinsangan,
At ingay na nakaririndi na nakasanayan,
Nakaligtaan ko na rin yatang magtanong sa sarili
Kung kaligayahan akin pang natutuntungan.
Pangarap ko nuon manirahan sa probinsiya,
Para sa ikakagaling ng diabetis ni papa,
Para mabawasan ang pangungunsumi ni mama sa tindahan,
Magkaruon ng mga kaibigan na sa akala ko kalinisan ang alam,
Nasa puso lang pala ng tao ang kasagutan,
Ang desisyon kung tatagay o gagawa ng usok,
Napakabilis ng panahon, inaamin ko
Bagama’t inamin ko na ito ng isang libong beses
Sa nakaraang walong taon.
Ngayon, sanay na ako rito,
Wala na sa mapa ng puso ang mga dating lugar,
Mga pangalan ng mga taong nakabungguang balikat
Pati kadikitang sikmura
Kahit sila’y naririyan pa rin.
Kondisyon na ako sa paninirahan sa Tabaco,
Oo nga’t siyudad
Pero mas mabagal pa rin ang oras dito,
Dito na kaya ako papawian ng buhay?
Dito na ako nakapagasawa,
Dito na kaya matatapos ang aking alamat,
O ako’y bibiyahe pa sa isang mas matahimik na gubat?
Hindi ko alam
Pero sa paglabas ko muli ng bahay,
Sa aking malayang oras,
Sa aking pagtapak sa balikat ng probinsyang siyudad,
Hihinga ako at muling tatanggapin ang tadhanang ginawa
At sana’y ang puso’y matuto at maging kuntentong ganap,
Ang tunay na gubat na ‘di ilahas
Ay nasa puso lamang na ang umibig ay sapat.