Tuesday, December 16, 2008

Pasko Pasko, pasko na namang muli (Nasaan ako?)

Nilakad ko ang kahabaan ng pagbabalik tanaw,

Pagkabalikwas sa alimpungat isang madaling araw,

Dinala ako nito sa isang pasko

Malayong panahon na ang nagdaan

 

 

At binuksan ko ang balot sa pinakahuling kahon sa ilalim ng puno ng may mga artipisyal na bituin, makaraan ang ilang linggo atang pananabik.

 

Sa pagpasok ng Disyembre, tuwing bababa ako ng hagdan kung saan nakatayo ang aming dalawang dekada na ata at may kataasang Christmas tree, namamangha ako sa mga ilaw, lagi. At bababa ang aking mga mata mula sa dambuhalang bituin sa tuktok patungo sa mga regalo sa paanan ng artipisyal na puno na nakabalot sa mga makikinang na papel.

 

Oktubre pa lang, inuungutan ko na ang aking inay na bilhan ako ng laruang robot, nais ko sana’y si Voltez V. Hindi ko alintanan ang presyo, ang pagkunot noo ni inay na ikinubli ng mapagparaya niyang ngiti. Malapit na raw ang pasko, lahat ng bagay kailangan ng paghihintay.

 

Kaya’t sa kada tuwina lalo na pag bagong gising at bago matulog, uupo ako sa may hagdan at uubusin ang mga sandali na walang katapusan, makikipagtitigan sa mga liwanag ng puno at pagmamasdan ang mga regalo ni inay sa paanan nito na isang hapon pagkauwi galing sa paglalaro, napansin ko na lang na nakatingin sa akin ang mga kahon na nakabalot sa makintab na papel, inaakit akong nahahalina. Mahina ako mula sapul sa mga ganitong bagay, pinanganak ata akong maikli ang pisi, ngunit nagtiis ang aking dibdib at ang aking mga maliliit na palad na hintayin ang hiyas ng bisperas.

 

Kung ako’y naglalaro sa labas, kung ako’y kumakain lalo na’t pag nanunuod ng cartoons at nananalo ang mga Armstrong brothers laban sa mga Bozanians, lumalapot ang aking bibig at may panginginig ang aking labi na iisa lang ang kahulugan.

 

Aanihin ang prutas anumang mangyari, ‘di mapipigilan ang pagpasok ng Pasko, ang pangarap makakamit, makakamit.

 

Bisperas – pagkatapos kumain ng hamon at keso na pinalaman sa tinapay. Busog akong umupo sa tabi ng dambuhalang punong maningning pero gutom ako, gutom sa pagnanasang makita, mahawakan at buuin ang aking robot, ang aking tagasalba.

 

Pwede mo nang buksan, sambit ni inay sa wakas, at mabilis ang aking mga munting mga daliri sa pagpunit ng makikinang na mga balot sa isang kaalamang mas makinang pa ang nasa loob.

 

Nakita ko na rin si Voltez V, at napagtanto kong may iba pa akong regalo galing sa aking mga tita at ninang na nasa malayo. Konting paghinga lang ang pagitan at muli na naman akong lumusong sa kaligayahan sa antisipasyon ng surpresang naghihintay sa iba pang mga kahon.

 

Mga matchbox at iba pang laruang kotse at may mga imported na tsokolate pa pala na nasa ref ang naghihintay sa aking mga pandama, naramdaman ko ang tuwa.

 

Lagpas alas dose – nakaupo ako sa tabi ng puno, pinagbabangga ko ang aking mga matchbox, panalo ang nananatiling nakatayo. Medyo busog pa ako. Maliwanag ang Christmas tree pero ‘di ako makatulog, hinahanap ko si mama (na nakikipagusap sa aking tita sa labas ng bahay), mayruon akong nais itanong, mayruon akong ‘di maintindihan.

 

Monday, December 15, 2008

Tadhanang batong gumugulong

Hindi ko maipaliwanag ang aking mga hinanakit na my rima,

Ang mga dingding at kisame kakwentuhan ko sa gabi,

Tinakot mo akong di ka na uuwi

At mag-isa na lang akong makikipagbuno sa gabi,

 

Sinabi mong para akong batang babaeng iyakin

At mahina ang aking pangangatawan,

Nabiyak ang puso kong musmos

At ang mga piraso nito’y tinangay

Ng di nagpaalam na hangin.

 

Ninais kong bagtasin ang timog papunta sa hilaga,

At hanapin ang tinig kong matagal na atang nawala,

Nakita ko iyon sa iyo,

At sana’y pinapakinggan mo pa rin ako.

 

Sa laot ng aking puso,

nalulunod ang pag-asa,

Lumabas ka na sa pinto kung nais mo,

Hindi naman milagrong magkita pa rin tayo sa dulo.

 

Sa dulo na magkaparehas na ang hawak nating susi,

At ‘di na ang anino natin ang ating nakikita sa gabi,

Ikaw pa rin ang nais kong bigyan ng bubong,

Ang kumutan ng aking mga braso at dampian ng labi.

Punk days

Malayo sa bahay,

 

Matapos ang 20 pesos na gig,

 

At masayang balyahan at pagsisid sa mga tao sa ilalim ng entablado,

 

Naglalakad ang mga makasaysayan naming 16 holes at Chuck Taylor,

 

Sa ilalim at gilid ng mga kaibigang anino ng naghihilik nang siyudad.

 

 

May haharurot na jeep pagkatapos ng limang taon,

 

At ayaw naming pumara pagkat ayaw namin,

 

‘di pa kami pagod sa pagbaliktanaw sa maingay ngunit masayang tugtugan

 

magpapalipas na lang kami ng gabi,

 

Sa gilid ng bangko

 

Yoyosi, tutungga ng gin sa plastic animo’y Sprite,

 

Sayang ang alak sayang ang gabi

 

Kalawang sa mga bum ang oras…

 

May mga katabi kaming batang lansangan na langit ang bubong,

 

May mga dumaang mga lasing at nakipagtitigan sa kapwa lasing,

 

May dumaang patrol car at huminto,

 

Nasindak na kami bago

 

Hiniram ang aking yosi ng bumabang parak at nakisindi.

 

 

 

 

 

 

Pulang langit sa bumbunan ko

Pulang langit sa bumbunan ko,

Tumatanda ako ngunit ‘di ang anino ko

Ang mga nasusunog na kalye na nasa harapan at likuran ko

mga mapa sila ng aking puso,

pusong ‘di nagsasawa sa pagtampisaw sa tubig ng kamusmusan.

 

Mas matanda ako dati kaysa ngayon,

Naiintindihan ko na kasi na ang lahat ay bula,

Napadaan lang ako rito,

Napadaan upang mag-iwan ng bulaklak.

 

Ikinasal ako sa pagnanais na maging mabuting tao

At yun ang nagpapabata sa akin

Sana totoo ako sa aking sarili,

Aking sarili aking isip

na minsa’y mistulang ‘di ko pag-aaari 

Pita kong maging musmos sa puso

Nahihimbing lamang ang pag-ibig sa ating puso,

Pagmamahal na nakalimutan natin

Nang tayo’y nagpakulong sa silid-aralan at naturuan na bukal ng ligaya

Ang diploma at pagkakaruon ng magarang bahay.

 

Isang bula ang manirahan sa inosenteng daigdig,

‘di ko namalayan ang pagpuslit ng mga kulay ng mundo

Na napalitan ng mga humahagibis na sasakyan,

Mausok na mga siyudad,

Sanghaya ng pera,

Nakangingilong mga relasyon sa kasintahan, mga kapamilya at kaibigan

Na may mga sandaling di ko sila makilala.

 

Lagi nating gustong bumalik sa mundong nawala

Ngunit lagi nating nakalilimutan na huminto sandali

At magtanong kung bakit halimbawang

Umiiyak ang ibon kapag nawala o lumisan

Na ang kanyang inakay.

 

Patumbalik sa Tamis

Gabi, nais ko na namang lakarin ang iyong kahabaan

Listo sa halik ng aking tsinelas

Sa mga makikitid na kalye, abenida, eskinita

Ng Tabaco, mula nang ika’y ginawang siyudad.

 

Nugnit ‘di ko rinig ang sadsad

Pagkat isip ay humahalik sa tunog ng tamis

Ng mga banal na Pangalang binibigkas ng aking bibig:

 

Hare Krishna

Hare Krishna

Krishna Krishna

Hare Hare

 

Hare Rama

Hare Rama

Rama Rama

Hare Hare

 

Sa paggapang muli ng aking mga daliri

Sa aking Tulsi 108 beads,

Manaka naka’y titingin sa paligid

Ngingiti tatango ‘pag may kakilalang nabanaag

Pero isip ay nakahalik pa rin sa tunog

 

Na mahinay at masuyong

Sinasambit ng aking labi at pusong

Luoy, tuklap-tuklap,

Nag-aalab ang pitang humigop ng nektar

Na pampalis ng kaba

At pampakalma ng pandama.

 

Kundi pa ako marahang naguhitan sa leeg

Na matalas manipis malamig mahabang bagay

Isang gabi ng Oktubreng giniginaw,

Alas-Onse, eladong bombilya ng mga ilaw-lansangan ng Tomas Cabilles,

Sinaklot ng garalgal na tinig na sumulpot mula sa likod

Ang tangan kong Nokia 3310

At iniwan akong ‘di makadakot ng hininga.

 

Kung hindi pa…

King hindi pa iyong nangyari

‘di ko pa maaalalang panandalian lang ang lahat

Tulad ng paglakad sa gabi.

 

 

 

 

 

 

Tumatanda ako sa mga gabi na ika’y wala

Tumatanda ako sa mga gabi na ika’y wala

Na nagpaparupok sa ‘king mga buto

Dahil sa paglaslas ng hangin

Maging sa isip.

 

Mabigat ang biyahe ng kutsara’t tinidor sa ‘king bibig,

Ang plato ng hapunan minsa’y aking natabig,

S a upuan, perpetwal pa rin akong nanalangin.

 

Di  tulad ng pagkauhaw sa tubig

Ang pangungulila ko sa iyo,

Panlalamig ko’y disyerto

Na presensya mo lamang ang makatitighaw.

 

Pag-ibig mo’y narito lang alam ko,

Ibinalita sa akin ng hangin

At ng labi kong basa,

Ngunit wala pa rin akong magawa

Kundi ang namnamin na muna

Katamisang bunga ng pangungulila

Sa pamamagitan

Ng pagsulat ng mga tula...

 

 

 

Pangunguyapit sa pulso

Kasingtahimik ng tasa ng tsaa

Humahalintulad sa gabi

Nag-aanyaya ang bintana

Ng isang mahabang paglalakbay

 

Di ko matanggihan ang mahabang agaw-dilim

Na nasa aking unahan

Ngayong gabi,

Hindi mababanaag ang anino kong naglilimayon

Sa maliwanag nang

Mga kalye ng Tabaco sentro.

 

Pangangailangan ang paglalakbay

Sa tulad kong nangungulila.

 

Lulan ng bus patungong Legazpi,

Ang mapagkalingang hangin

Au nagpapaalala ng iyong mga braso.

 

…hintayin mo ako

 

 

Sa mga gabing hinahanap kita mahal ko

 

 Arcee, ikaw at ako ay magkaiba ngunit iisa

pansamantalang anesthesia

Pahimakas

May isang pulang Rosas

Na nasa gilid ng bintana,

Na nakayuko sa dapithapon,

Na habang lumulubog ang araw,

Ang pumuputlang talulot

Ay dahan-

Dahang...

Humahalik sa lupa.

 

 

Pagsulyap sa pagtanda at pagyao

Tulad ng magkayakap ng patpat

Sa rumaragasang ilog

Ang relasyon dito sa mortal na daigdig,

Payapang magkasiping

Sa kalmadong agos,

‘di alintana batong nakaharang

At pagtama ay ang paghiwalay

At manipis ang pagasang

Tinatamasang muling yakap.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Natuto akong Umawit

Natuto akong umawit

 

‘di dahil sa pag-ibig,

 

Natuto akong umawit

 

Dahil wala akong pag-ibig.

 

Tulad ng aking pagsusumikap

 

Na makapagsaing araw-araw,

 

Ako’y umawit ako’y umibig.

 

 

 

 

 

 

 

Natapos ba ang unos?

Ang mga aso, nagpapasaya sa bakuran

Na tinakasan ng mga bulaklak dala ng nagdaang unos,

Di pa nawawalis ang nabasag na paso

At mga dahong luoy,

Basa pa ang mga nilabhang damit na pinagsisilbihan pa rin

Ng sampayang sapilitang kinuba ng panahon,

 

Ano bang kaligayahan ang hatid ng pagsilip sa bintana,

Ito ba’y pag-asa na dala ng nasa malayong bukang liwayway

O konswelo na hatid lamang sa aking ng hinihigop kong kape?

 

Walang kapaguran ang ngiti ni inay, tulad ng ibang matatanda,

Sila ang mga umagang ‘di pumupusyaw,

Tila ang mga alaga akong aso na sige pa rin ang dantay ng ulo sa nanghihina kong tuhod

Kahit minsan nakalilimutan ko na silang himasin.

 

 

 

 

 

 

Nanlilimahid na ako sa isang umaga

Sa harap ng bintana, silhouette ako sa langaw

Na bumisita at dumapo sa iniinuman

Kong baso ng serbesa,

 

Nakatanghod ako sa mesa,

Tinanong  ang bisita:

Langaw langaw, ano ang ating pagkakaiba?

 

Lumagok pa ako ng isa at isa pa

Bago naduwal at muntik masuka.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Nancy, aanhin mo ang patalim?

Ingatan mo ang patalim Nancy,

Baka humalo ang dugo mo sa bawang,

At maging impyerno ang pait

Pag nahaluan pa ng karbon ang pagkain.

 

Nancy, wag kang maglalaro ng apoy,

Nakasusunog ng kaluluwa iyan at nakapapanakit ng pusod

Ang sabi ng hanging umiikot sa tuktok ng ulo

Ng dalagang laging basa ang pink na labi.

 

Sumisigaw ang takure,

May tigdas ang karots at patatas,

Nalulunod sa tubig ang tokwa,

Habang gumagpang ang mga langgam

Malapit sa paanan ni Nancy

papunta sa isang nakabulagtang piping ipis.

 

Ingatan mo ang patalim Nancy,

Baka sugatan mo ang sarili mo,

Salamin ang mga plato,

Ngunit ‘di nag-aayos ng buhok ang dalaga,

Ang oras niya ay selda sa kusina.

 

Nancy, ang patalim ay para sa patatas at karots,

Alam nating lahat na pula ang kamatis at dugo…

May sayawan daw sa sentro mamaya

Ang kalabit sa iyo ng cellphone ng kapitbahay,

Ngunit granada ang pinto pagsapit ng gabi.

 

Nancy, bitiwan mo ang patalim

Kapag tapos ka ng magluto pag gabi.

Meron kayang tao sa labas ng bahay?

Minsan natanong mo sa makulit na alingawngaw

Na laging kumikiliti sa iyong isipan…

Pinatay mo ang bumbilya

At umungol kasabay ng mga kumakalampag na basurahan sa labas.

 

Walang kasalanan ang mga asong ligaw

Kung nagiging maingay ang tahimik na gabi…

Alam naming alam mo ‘yan Nancy.

 

 

 

 

Nais ko na lamang maging isang alaala

Nais ko na lamang maging isang alaala,

Nang gabing sinunog ako ng aming tampuhan,

Naglagi lang ako sa kwarto,

Inisnab ang mga kaibigan  sa sa pista ng mga banda sa Carolyna,

Paumanhin kung ayaw kong makakita ng mga tao, ni bituin...

 

Kung maaari lang sana na ako’y maging bato tuwing gabi,

Nang sa gayo’y pangungulila’y ‘di ko dama

Sana maaari na tuwing gabi tanaw ka sa higaan

Upang ang aking mga himaymay mapalagay.

 

Sorry mga kaibigan kung ‘di ko kayo nakasama sa tugtugan,

Kailangan ko kasing manatili sa ospital ng aking kwarto

Upang hilumin ang sugat na sanhi n gaming munting alitan,

Ngayong ako’y magaling na at malakas,

Patuloy ang pag-inog ng atin at aming matitimyas na alaala.

 

Mico, pakilala mo naman kami sa kanya

Minamasdan ko si Mico sa bakuran,

May hinahabol ang kanyang mga nakabukang mga palad

At may kinakausap ang kanyang mga mata

Ngunit wala naman.

 

Mico Mico: Dahan, dahan lang ha…

Nagbabasa ng diyaryo pag umaga ang mga may pinagaralan,

Habang tumatawa kahit mag-isa ang mga walang alam…

Ahmm, mas mainam ata ang inosente kaysa sa walang alam.

 

Nadapa si Mico,

Umaabot ang mata niya sa malayong ‘di ko na tanaw,

Umiyak si Mico,

At taranta akong lumapit na naguguluhan.

 

Biglang tumawa si Mico.

Sa pagngiti ko siguro,

Ngunit ‘di ata sa akin nakatingin si Mico.

 

 

 

Mga sandaling, “di po ako nababaliw”

Kinakausap ko ang mga alaga kong aso na parang tao.

 

Kay Tala: Anong iniisip mo?

 

Siya ang asong may pinakamalungkot na mata. Pag tinitignan niya ako, blangko ito at tila walang nagmamahal sa kanya.

 

Kay Patsi: Patz, pasensya ka na ha, kailangan kasi kitang palabasin sa bahay.

 

Si Patzi, lagi na lang siyang nakabantay sa pinto, nakalulungkot ngunit, ‘di siya pwedeng papasukin sa bahay dahil nakakadiri ang kanyang mga puputok sa katabaang mga kuto.

 

Kay Barbie: Barbie, sana ‘di mo ako tahulan pag ayaw kitang hawakan. Minsan kasi nais ko lang magpahangin ditto sa bakuran, alam  mo yun… solitude.

 

Puro babae ang aming mga aso, at puro pa sila birhen. Pero hindi ako naaawa sa kanila pag naaalala ko ang kaibigan kong nais makipag-sex kahit kanino.

 

 

Mga bahagharing ang kulay perpetwal

Ang mga aso, nagpapasaya sa bakuran

Na tinakasan ng mga bulaklak dala ng nagdaang unos,

Di pa nawawalis ang nabasag na paso,

Basa pa ang mga nilabhang damit na pinagsisilbihan pa rin

Ng sampayang sapilitang kinuba ng panahon,

 

Ano bang kaligayahan ang hatid ng pagsilip sa bintana;

Ito ba’y pag-asa na dala ng nasa malayong nag-iinat na araw

O konswelo na hatid lamang sa akin ng hinihigop kong kape?

 

Walang kapaguran ang ngiti ni inay habang hinuhugasan ang gulay sa lababo,

 tulad ng ibang matatanda

Sila ang umagang ‘di pumupusyaw,

Tila ang mga alaga akong aso na sige pa rin ang dantay ng ulo sa nanghihina kong tuhod

Kahit minsan nakalilimutan ko silang himasin.