Makikita mo akong naglalakad sa kalye ng Tabaco,
Tuwing alas-otso ng gabi,
Yun ay kung maaga akong naghapunan,
Minsan ala diyes makikita mo ako
Lalo na’t mangilan ngilan na lang ang tao,
Wag mo lang akong susundan,
Dahil nag-iisip ako kung paano uuwi.
Maaaring isipin mo na ayaw kong magpalaki ng tiyan,
Ngunit ‘di ko sasabihin na wala kang pakialam,
Ang mahalaga makapaglakad ako,
Dahil ‘di na serbesa ang tagasagot ng mga katanungan ko.
Dati ganun ako,
Ngayon naglalakad ako sa gabi,
Kapag may ipinabibili ang karelasyon kong buntis,
Mas ninanais ko na lang na tabihan siya at mag-isip
Mag-isip ng paraan kung paano siya mas mapagsisilbihan,
Naglalakad na lang ako sa malawak na lupain ng aking puso,
Naglalakbay sa paghimas ng kanyang tiyan
At panalangin na sana’y lumaki siyang marunong lumuhod sa Kinauukulan.
No comments:
Post a Comment