Sa dulo ng lamig
Nakita ko ang kape
Lumulutang sa gilid ng alas dose
Gumapang ang init
Sa aking mga litid,
Katawan kong bangkang lugami
Naging bangkang de-motor,
Agad akong lumayog sa puso ng laot
Upang trabahuhin ang saya ng aking puso
Ngunit ang laot ng puso naging buhawing gutom
Ako’y hinigop sa kawalan
Sa pagkabatid wala palang
Mainit na tubig.
Hinawakan ko ang lapis tulad ng paghawak sa patalim,,
At sumugba sa alon ng antok,
Buong lakas kong sinagwan ang mga salita, gitling at kuwit,
Marami akong metaporang nabingwit,
At maramin akong epipanyang hulagway
At ‘di ko na alam kung pano ko narating
Ang huling tuldok
Na alam kong susundan pa ng maraming tuldok
Ngunit alam kong ‘di tuldok ang katapusan ng lahat
At ito’y ‘di rin isang talinghaga.
Sa umuusbong na alas kwatro,
Sa harap ng kaning lamig
At ininit na sinabawang miswa,
Natuwa ako na ga-kamao na lang ang kinakain ko,
Kaligayahan ang makongtrol ang balasik ng dila,
Ang dila na nais maging sikat,
Mahirap din na laging magpintuho sa mga bulaklak at bituin,
Mahirap din kung laging sining para sa sining
Lalo na sa panahong mahal ang sinaing.
No comments:
Post a Comment