Monday, December 15, 2008

Biyaya ang sakit ng ngipin

Sumakit ang ngipin ko

At natuklasan ko na ‘di ako Diyos.

Bumaba ako sa pedestal ng pagmamalaki,

At tiningala ko ang langgam sa kanyang pagpupunyagi,

Ang mga gusgusing mga kapatid ko na nagpapahinto ng dyip

Sa harap ng makinis at dambuhalang mall,

Ang mga baliw sa kalye na nagpapakawala ng sumpa,

Pag-aari nila ang pangarap ko:

Ang pangarap kong manatili ang paa sa lupa

Ngunit ang kamalayan ay umaabot sa pinakamataas na langit

Na kung saan ang tubig, puno at ang mga hayop ay iyong makakausap

At makakasama sa pagninilay sa paghahanap at pananaginip,

At ayaw nating pumikit pagkat ayaw nating mapalayo

sa nakakaakit na pagmamahal ng nag-iisang Maykapal.

 

Naririto ako sa lupa

Ngunit pinipilit kong mawala rito:

Narito ako ngunit wala ako rito,

Tulad ng bulaklak ng Lotus na payapang nakaupo

Sa maduming tubig,

Ngunit ‘di siya nasasayaran ng dumi, at nakakarimarim na mga basura,

Maaari tayong mabuhay rito sa panandaliang daigdig

Ngunit ang ating kamalayan ay nakatuon sa totoo nating tahanan,

Kung saan nakatira ang isang Kaibigan na ating kinalimutan.

 

Patuloy ang digmaan sa aking puso laban sa nakakalason na libog,

Maaaring malabanan ko ang sakit ng ngipin,

Ngunit ‘di ako nakasisiguro na kaya akong patulugin ng oyayi ng mga kuliglig,

O yakap ng mga nagmamahal at inaakala kong nagmamahal,

Kailangan kong maglaba ng puso bago managinip

At kailangang ipagpatuloy ko ‘yun sa aking paggising.

 

Hindi ko alam kung anong mangyayari bukas,

At ‘di iyon alam ng media at ng nakagisnan kong sining at kultura.

Walang nakakaalam kung kailan ang kailan.

Sana’y naipahayag ko ang nararamdaman ko sa nasulat na tula.

 

Kung sakali mang maputol ang pisi ng aking paghinga,

Sana’y maalala ninyo akong lumaban sa mga pagnanais at pagaalipin

Ng aking pisikal na katawan at mga pangil ng aking mga pandama,

Naging sundalo ako, nagapi lang ng alak at usok paminsan minsan,

Nahila ng aking kasarian,

Nalubidan ng pagiging makasarili,

Ngunit lumaban ako at nagpunyagi,

 

Hindi natin alam kung anong mangyayari mamaya,

Kaya’t maaari nating simulan sa isang dasal,

Magkakapatid tayong lahat,

Anumang kulay ng ating balat.

Mamaya pag uwian o kung sa iyong pag-iisa.

Isipin mo kung saan ka pupunta kung bigla kang mahagip ng ligaw na bala,

O kung biglang mabiyak ang tinutungtungan mong lupa.

No comments:

Post a Comment