Monday, December 15, 2008

Ang pananampalataya ng buhangin sa pag-ibig ng dagat

Mag-isa sa pampang,

Mainit-init pang buhangin na laging hinahalikan ng dagat,

Buhangin na kinupkop ng aking talampakan,

Aking talampakan na walang sawa sa halik ng tubig,

Ang halik ng tubig na walang sawang humahalik sa pampang.

 

Minamasdan kong aking mga palad

Na kanina lang ay kinakabisado ang mapa ng iyong mukha,

Mapa na kakailangin ko kapag tadhana na ang pumagitna,

Tadhana na ‘di natin pinapaniwalaan dahil tayo ang gumuhit ng mapa sa ating mga palad,

 

Dapithapon lumilipas, humahaba aking anino, takipsilim papalapit.

 

Marahil bukas na ang mga fluorescent sa bahay,

Naghahanda na siguro sila ng hapunan, pero ayaw kong mawalay sa dagat,

Marahil ako na rin ang baybay, nananampalataya sa pag-ibig ng dagat,

Na kahit na ano pa mang trahedya ang maganap,

Gagawa ang dagat ng paraan upang ako’y muling mahalikan.

 

 

No comments:

Post a Comment