Monday, December 15, 2008

Awit ni Pedrong balikbayan

Tahimik tayong kumakain,

Ngunit nais nating kalampagin ang mga plato,

Mga emosyon natin ang mainit na sabaw na umaapaw sa mesa.

 

Pinagdikit ko ang ating upuan,

Upang mapalapit kahit papaano…

Tatlong taon na rin nang umalis ako,

Di ba’t alam mo namang kasama kita lagi sa puso ko,

Ikaw ang oasis sa lupain ng disyerto.

 

Nakangiti ka naman ng lumapag ako sa paliparan,

Ngunit nalasahan ko ang pait ng iyong hininga.

Pagdating sa bahay nagkwentuhan tayo habang nakaupo

sa nababatak na nating sofa, sa likuran ng inaanay na nating bintana.

Nagkwento ako ng mga istoryang digmaan sa Gitnang Silangan,

akong isang asawang nakipaglaban sa lamig at pagkalayo.

 

…ngayon, sa hapagkainan,

Panahon na lang ang makapaglalarawan

Kung babalik pa ang linamnam ng kanin at ng mga ihahaing ulam,

Dahil sa paghahanap mo ng ibang araw

habang wala ang pinakasalan mong langit

na sa pagdaan ng panahon para sa iyo’y unti-unting dumilim.

 

Dito na ako nadestino

Pero taas noo pa rin akong umuuwi sa atin kada gabi,

Wala akong pangamba o hiya na makita ang nagtataasang mga kilay

Ng mga kapitbahay natin

Pagkat alam ko na ikaw ang nakahihiya,

Nahihiya ako para sa iyo,

Naaawa.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment