Monday, December 15, 2008

May Kasama tayo

Isang mainit na disyerto ang aking isipan,

Bago ang huling buwanang dalaw ng aking kasintahan…

 

Nang umusbong ang unang talbos sa tuyong lupa,

Umawit ang hangin

Na tumawag sa mga ibong galing pa sa mga malalayong lupain,

May bitbit silang mga buto at inihulog nila sa bitak-bitak na daigdig,

‘di naglaon at dumating ang mga mabibigat na ulap,

At bumuhos ang ulan…

 

Dahan-dahan tumubo ang iba’t ibang klaseng halaman,

At namunga ito ng mga malinamnam at mga matatamis na prutas,

Patuloy lang ang ihip ng hangin,

At patuloy ang pagyabong ng mga puno…

 

Habang nangyayari ang mga kaganapang ito,

Mas nagiging kuntentado ako sa paghuihugas ng plato,

Pag-iisip ng mga bagong putaheng maihahandog sa aking mag-ina,

Paglalaba ng mga damit at paglilinis ng bahay…

 

At sa pagitan ng mga oras,

Ay ang aking perpetwal na paglalayag sa dagat ng haraya,

Tulad ng mga paang naglalakad sa mapagpakumbabang lupa;

Payak ang buhay,

Walang kwarto ang takot sa pusong magaan,

Walang dapat ipangamba,

Ang oras ay granada sa mga taong naglalakad sa ilalim ng buwan

Ngunit ‘di sa mga taong ang buwan sa kanila’y mukha ng minamahal.

 

Wala akong pangamba sa mga dinamita ng nakaambang panahon,

‘di ko kailangang lumapag sa lupa upang pumitas ng prutas sa aking isipan,

‘di ako magugutom pagkat ako’y sagana sa totong pagkain ng puso.

At tulad ng mga punong may inaalagaang ibon,

Ako at ang aking mag-ina’y ‘di nag-iisa.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment