Monday, December 15, 2008

Isang alamat ng kawalang himbing

Madalas nagigising ako sa laot ng magdamag,

Minsan dahil nais kong maglambat ng metapora,

O dahil umaalingawngaw ang mga tinig ng pagkakamali

Sa nagdaang mga panahon.

 

Hihigop ng kape o magbabasa ng ilang berso o talata,

Pagmamasdan ang mukhang himbing ng nagdadalantaong karelasyon,

Titignan ang nagpapahinga ng computer na maghapong kumayod,

Pipikit at ilalarawan ang mukha ni Krishna sa isip.

 

Tirik na ang mata ng kumpare kong pintor ng magising,

Hindi ito ang kinakakatakutan ko,

Natatakot akong iwan ng aking mag-ina kung ako’y magpabaya,

Natatakot akong mabutasan ng lambat sa dagat ng haraya,

Natatakot akong mawalan ng gana sa aking mga organisasyon,

Ngunit sa kabila ng mga epipanyang ito,

Mailap pa rin ang lukso ng himbing sa mga sinulsi kong bitag…

 

Tinuon ko ang aking paghinga sa aking puso,

At ang aking enerhiya sa pagitan ng aking mga kilay,

Habang iniisip si Govinda, kalaro ang mga baka sa Vrindavan.

Malambot ang unan at unti-unti akong lumayo rito,

Habang nananatili ang aking katawan sa kwarto:

Katanghalian ng madaliang araw sumibol ang kapayapaan.

 

No comments:

Post a Comment