Kung nariyan ako,
Hinihimas himas ko ang iyong noo
At hinahaplos iyong buhok
Habang pinagmamasdan kang natutulog.
Kung nariyan ako,
Masuyo kong tinitignan ang kaamuan ng iyong mukha,
Ang aking ulo sa iyong mapagkalingang unan,
Ang iyong hininga na pugong pumapawi
Sa lamig mula sa bintana.
Kung nariyan ako,
Aawitan kita ng mahinhin,
Baka ito’y magsilbing hagdan
Sa iyong pagpanhik sa ‘sang panaginip ng mga rosas.
Kung nariyan ako,
Balani ang iyong pisnging lansones
Sa ‘king nangungusap na labi.
Kung nariyan ako,
Nasa ilalim tayo ng mga bundok,
Naghihintay ng pagdatal ng liwayway.
Kung nariyan ako,
Kumikislap aking mga luha sa dilim
Sa luwalhati ng iyong pagkasi,
Sa kaisipang may umibig sa akin.
Kung nariyan ako,
Titis aking mga busilig
Sa nakalakop na dilim.
Kung nariyan ako,
Paruparong dumadapo aking mga daliri
Sa iyong labing kampupot.
Kung nariyan ako,
Nanamnamin ko bawat saglit
Ng aking buhay kasama ka,
At kung ako’y ‘di na magising sa paghimbing,
Kakikitaan mo ako na may buwan sa labi.
Kung nariyan ako,
Hahalikan kita sa labi
At hahalikan at hahalikan
Hanggang sa muli mong pananaginip.
Kung nariyan ako,
‘di ko alintana ang badya ng anumang delubyo
O anumang babala ng kalusugan.
Kung nariyan ako,
Ako ang kapayapaan ng iyong silid,
Ang oyayi ng gabi na handog ng langit
Sa mga pusong nagmumutya at minumutya.
Kung nariyan ako,
Ang iyong buhok ay talahib
Na kumupkop sa akin
Sa mga ilahas na oras ng madaling araw.
Kung nariyan ako,
Talagang nariyan ako,
‘di isang haraya lamang ang pagnamnam
Sa laging pinipintuhong sonata na iyong paghinga.
Kung nariyan ako,
Tighaw ang aking malalim na uhaw,
Batis kang dumaloy kumalinga
Sa ‘king mga pagal na ugat.
Kung nariyan ako Lyn,
Dilat man ako,
Ako’y mahimbing.
Narito man ako ngayon,
Kasama kita…
Magkahiwalay ngunit magkasiping
Sa rikit ng pagasam
Na lahat nating dalangin magiging makatotohanan.
No comments:
Post a Comment