Nagyeyelong kanin
Sa platong may tipak,
Instant mami ay wala nang usok,
Kutsara ay nanginginig
Sa aking bawat tangkang pagsubo.
Nagmumura ang brodkaster sa t.v.,
Kanina ‘ung sa radyo,
Malansa rin ang mga pahayagan
Na nanunundot ng mata,
Nanunusok pa ng tenga,
Saraong kabaro na naman kasi ang kinain ng lupa.
Paningin ay bumaling
At dumikit sa mga papel, libro, pluma,
Tahimik sila sa lamesang nakikiramdam.
Binitawan ko ang kutsara
Lumipat ako ng mesa
Hinawakan ang pluma
Nagsimulang magtarak ng mga letra
Sa blangkong puting lapida.
Bahala na ang Diyos,
Kailangang maisulat ang kalayaan
Sa mga pahina ng kasaysayan.
No comments:
Post a Comment